Hindi bababa sa 33 katao ang nasawi habang 36 ang nasugatan matapos magsagawa ng airstrike ang militar ng Myanmar malapit sa isang pamilihan sa Kyauktaw, Rakhine State nitong Lunes, Setyembre 28.
Ayon sa pahayag ng Arakan Army, dalawang bomba ang ibinagsak ng isang fighter jet bandang tanghali malapit sa pamilihan kung saan kabilang sa mga nasawi ang mga tindero, mamimili, at mga kalapit na residente.
Kinumpirma rin ng rescue official na si Wai Hun Aung ang bilang ng mga biktima at sinabing ang naturang lugar ay isa sa mga pangunahing wholesale center na dinarayo ng mga negosyante sa buong rehiyon.
Nagbabala ang Arakan Army na maaari pang tumaas ang bilang ng mga namatay habang patuloy ang retrieval at rescue operations sa gumuhong pamilihan.
Wala pang inilalabas na opisyal na pahayag ang militar ng Myanmar kaugnay ng insidente, bagama’t dati nitong iginigiit na lehitimong military targets lamang ang kanilang inaatake.
Patuloy ang matinding labanan at kaguluhan sa Myanmar matapos ang ginawang military coup noong 2021, kung saan nakikipaglaban ang pamahalaang militar sa iba’t ibang armadong grupo kabilang ang Arakan Army.
















