-- Advertisements --

Inihayag ni USec. Leo M. Herrera-Lim sa pagbubukas ng 32nd ASEAN Political-Security Community Council Meeting na patuloy nilang hinaharap ang mga matagal nang hamon sa rehiyon, kabilang ang sitwasyon sa Myanmar.

Humaharap sa matinding armed conflict, humanitarian crisis, paglikas ng mga sibilyan, at kawalan ng stability ang bansa sa pagpasok nito sa ikalimang taon ng krisis mga suliraning nagdulot ng malaking pagsubok sa katatagan ng buong samahan.

Aniya, ipinapakita ng kasalukuyang geopolitical landscape at ng mga kaganapan ngayong taon kung gaano kabilis magbago ang mga sitwasyon sa paligid ng kanilang mga hakbangin.

Nagtuturo ito ng mahalagang aral na ang kredibilidad at kahalagahan ng ASEAN ay nasusukat sa kung paano tinutugunan ang mga hamon, na hindi kayang solusyunan ng chair lamang kundi nangangailangan ng sama-samang pagtutulungan ng lahat ng miyembrong bansa.

Binigyang-diin din niya na ang pag-unlad sa komunidad ng ekonomiya at socio-cultural ay hindi maaaring ihiwalay sa mga kundisyong pampulitika at panseguridad na nagbibigay-daan upang lumago ang mga ito.

Mula nang huling magpulong ang council anim na buwan na ang nakakaraan, ang mga kondisyong ito ay nakaranas ng malaking tensyon dahil sa mga armadong alitan, geopolitical tensions, banta sa enerhiya, at transnational crimes.

Dagdag pa niya, hindi sapat ang pagpapanatili lamang ng kasalukuyang takbo ng samahan, kundi mahalagang matiyak na epektibong natutugunan ng kooperasyon ang mga nagbabagong pangangailangan sa pamamagitan ng kongkretong aksyon laban sa online scams, paghahanda sa kalamidad, at border cooperation.

Sa panig ng Pilipinas bilang ASEAN Chair, aniya, ang pamumunong ito ay dumating sa isang kritikal na yugto ng kasaysayan, na nag-aatas sa rehiyon na umangkop sa sitwasyon at isalin ang mga nakaraang pangako tungo sa mga tiyak na resulta.