-- Advertisements --

Binigyang-diin ni House Private Prosecutor Atty. Jay Tolosa Jr. ang kahalagahan ng kredibilidad ng mga testigo sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte, na isa umano sa mga dapat isaalang-alang ng mga senador sa kanilang pagdedesisyon.

Ayon kay Tolosa, mahalagang suriin ng mga senator-judges kung nagiging tapat at kapani-paniwala ang isang testigo sa kaniyang mga pahayag at pagsagot sa mga katanungan sa panahon ng paglilitis.

Paliwanag niya, maaaring makaapekto sa kredibilidad ng isang testigo ang pabago-bagong testimonya, pagbaligtad sa mga naunang pahayag at tila piling pag-alala lamang sa ilang detalye ng mga pangyayari.

Dagdag pa ni Tolosa, dapat ding tingnan kung may mga bagay na hindi maalala ng testigo gayong inaasahang alam o natatandaan niya ang mga ito, lalo na kung mahalaga ang naturang detalye sa mga isyung tinatalakay sa impeachment trial.

Matatandaang sa mga nagdaang pagdinig, ilang testigo na iniharap ng depensa ang nahirapang sagutin o ipaliwanag ang ilang katanungan mula sa mga senador at sa panig ng prosekusyon.

Dahil dito, iginiit ni Tolosa na mahalagang timbangin ng mga senator-judges hindi lamang ang nilalaman ng testimonya kundi pati ang pagiging konsistente, katapatan at pangkalahatang kredibilidad ng mga testigo.

Samantala, nakatakdang magpatuloy ang impeachment trial sa Nobyembre 19, 2026.