-- Advertisements --

Mas pinaigting ng Department of Energy – Visayas Field Office (DOE-VFO) ang pagsasagawa ng mga inspeksyon sa iba’t ibang fuel retail outlets sa buong rehiyon upang matiyak ang mahigpit at tapat na pagsunod sa malaking bawas-presyo sa langis na epektibo noong Nobyembre 10.

Sa pamamagitan ng kanilang mga monitoring team, masusing sinisiyasat ng ahensya ang mga presyo sa bomba (pump prices) at mga price display board upang tiyaking naipatutupad nang wasto ang mga inanunsyong bawas-presyo, na magbibigay-daan sa mga motorista at ordinaryong mamimili upang lubos na makinabang.

Kaugnay nito, agad na pinagpapaliwanag ang mga establisyimentong nabigong sumunod sa direktiba. Naglabas na ang DOE ng mga Show Cause Order (SCO) sa mga non-compliant na retail outlet, na nag-aatas sa kanila na magsumite ng pormal na nakasulat na paliwanag sa loob ng 24 oras.

Upang mas mapalawak pa ang saklaw ng kanilang pagbabantay, nakikipag-ugnayan din ang ahensya sa mga lokal na pamahalaan (LGUs) sa buong rehiyon upang masiguro na walang gasolinahan ang makakalusot sa mga ipinag-utos na regulasyon.

Hinikayat din ng DOE ang publiko na maging mapagmatyag at iulat ang anumang kahina-hinalang iregularidad sa presyo.