Inihayag ni Senate President Sherwin Gatchalian na mayroon nang consensus o pangkalahatang kasunduan ang senator-judges kung ibabalik sa hapon ang schedule ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte upang mapabilis ang takbo ng mga pagdinig.
Aniya, isa sa pinag-aaralan nila ay ibalik sa hapon ang trial dahil kapag umaga limitado ito sapagkat kailangan nilang i-suspend ito para bigyang-daan ang sesyon sa hapon.
Ayon kay Gatchalian, kahit may consensus na ang mga senator-judge, pormal itong ilalatag at ipatutupad sa loob ng linggong ito.
Matatandaang nauna nang iminungkahi ni Senator-Judge Juan Miguel “Migz” Zubiri na ibalik sa hapon ang trial. Inirekomenda niya na isagawa ang mga legislative session sa umaga, at ang impeachment trial naman ay maaaring isagawa mula alas-3 ng hapon hanggang gabi.
Layunin nito na mabigyan ng sapat na oras ang prosekusyon at depensa na maipresenta ang kani-kanilang argumento. Nais din na agad nang matapos ang trial para makabalik ang Senado sa kanilang normal na trabaho sa paggawa ng batas.
Bago ang kasunduang ito, ang trial ay ginagawa sa umaga 10 a.m. hanggang 2 p.m. o 3 p.m. Subalit nagdulot ito ng ilang isyu gaya ng pagkabitin ng pagtatanong dahil kailangang mag-break para sa regular na sesyon ng Senado tuwing hapon.
Ang mga testigo na dapat ay isang araw lang sasalang ay umaabot ng tatlong araw dahil sa kakulangan sa oras gayundin naantala rin ng dalawa hanggang tatlong araw ang mga nakaraang pagdinig dahil sa mga suspensiyon dulot ng mga kinaharap na kalamidad ng bansa.
















