-- Advertisements --

Kampante ang kampo ni VP Sara Duterte sa kahandaan nilang harapin ang iba pang imbestigasyon, maliban sa umuusad na impeachment trial sa Senado.

Ayon sa tagapagsalita ng pangalawang pangulo na si Atty. Paolo Panelo, handa ang legal team ni VP Sara na harapin ang iba pang imbestigasyon na posibleng ikasa ng anumang investigating body laban sa kaniya.

Kabilang dito ang posibilidad ng imbestigasyon na mag-uugat sa mga isyung lumalabas sa impeachment trial tulad ng mga financial issues.

Ayon kay Atty. Panelo, nananatili ang paninindigan at posisyon ni VP Sara na wala siyang anumang ginawang mali sa loob ng kaniyang karera sa public service mula noong naninilbihan siya sa Davao bilang local chief executive, hanggang ngayong siya ay pangalawang pangulo ng Pilipinas.

‘Welcome’ aniya ang lahat ng imbestigasyon na posibleng isagawa.

Maalalang dati nang may mga naghain ng ilang plunder at criminal complaints laban sa pangalawang pangulo dahil sa financial issues na umano’y kaniyang kinasasangkutan. Ang una ay inihain ng Civil society leaders, church representatives, at academics na sumasaklaw sa plunder, bribery, malversation, at graft.

Sinundan ito ng iba pang plunder at criminal complaints na inihain ni dating Sen. Antonio Trillanes IV.