-- Advertisements --

Naniniwala si dating Rep. Mike Defensor na nasa loob pa rin ng Pilipinas si Orly Guteza, ang dating security aide na naging surprise witness sa isinasagawang imbestigasyon ng Senado hinggil sa kontrobersyal na flood control scam.

Sa isang panayam ,kinumpirma ni Defensor na nakatanggap siya ng impormasyon hinggil sa kinaroroonan ni Guteza, bagama’t hindi niya matukoy ang eksaktong lokasyon nito.

Nang matanong kung nasa bansa pa ang testigo, tumango ang dating mambabatas.

Nilinaw din ni Defensor na wala siyang direktang linya ng komunikasyon kay Guteza sa kasalukuyan. Gayunpaman, nakatanggap umano siya ng update na ligtas ito.

Umaasa ang dating kongresista na muling lulutang si Guteza sa gitna ng nagpapatuloy na isyu, lalo na matapos ang naging pagharap ng 18 umanong former Marines kamakailan.

Si Guteza ay dating nagtatrabaho bilang security aide ng nagbitiw na si Ako Bicol Party-list Representative Zaldy Co.

Unang iniharap ang testigo ni Senator Rodante Marcoleta sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee.

Sa kanyang isinumiteng affidavit, lantarang isinangkot ni Guteza si dating House Speaker Martin Romualdez sa anomalya sa flood control projects.