-- Advertisements --

Upang maibsan ang bigat na nararanasan ng mga Pilipino dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng langis bunsod ng tensyon sa Gitnang Silangan, inihain ni Senator Loren Legarda ang tatlong panukalang batas na naglalayong repormahin ang sistema ng value-added tax (VAT) sa bansa.

Layunin ng nasabing comprehensive reform package na pababain ang pangkalahatang VAT, alisin ang buwis sa mga pangunahing bilihin, at itama ang sistema sa paniningil ng kuryente.

Sa ilalim ng Senate Bill No. 1851 o ang Differentiated Value-Added Tax Rates Act, ibababa mula 12 porsyento patungong 10 porsyento ang pangkalahatang VAT rate.

Gayunpaman, mananatili sa 12% ang buwis na ipinapataw sa mga luxury goods, mamahaling sasakyan, premium residential real estate, at sin products.

Isinusulong din ng senadora ang Senate Bill No. 1857 o Murang Bilihin at Serbisyong Medikal Act, na magbibigay ng VAT exemption sa mga over-the-counter (OTC) na gamot, de-lata, tinapay, sabon, at maging sa lifeline thresholds ng konsumo sa kuryente, tubig, at basic internet access.

Samantala, inihain din ang Senate Bill No. 1859 upang linawin ang pagpapataw ng VAT sa mga electricity subsidies at statutory charges sa ilalim ng Electric Power Industry Reform Act (EPIRA).

Aalisin nito sa VAT computation ang lifeline subsidies para sa mga mahihirap at senior citizen discounts.

Sumusunod ito sa doktrina ng Korte Suprema na hindi dapat buwisan ang pondong hindi direktang napapakinabangan ng mga kumpanya ng kuryente.