-- Advertisements --

Aminado ang Department of Education (DepEd) sa krisis sa literacy sa bansa matapos lumabas sa isang assessment na 87 porsyento ng mga Grade 11 students na hirap paring unawain ang kanilang binabasa.

Ayon sa DepEd, ang naturang bilang ay indikasyon ng matagal nang learning gaps system ng edukasyon sa Pilipinas at hindi lamang sa problema ng senior high school.

Sa pahayag ni DepEd Undersecretary for Learning Systems Carmela Oracion, iginiit niyang seryoso ang ahensya sa lumabas na resulta mula sa Second Congressional Commission on Education (EDCOM 2).

Ipinaliwanag ng opisyal na ang problema sa kakayahan sa pagbasa ay naipon mula pa sa mga unang baitang at lumala sa paglipas ng panahon dahil sa iba’t ibang salik gaya ng kahirapan, kakulangan sa learning materials, limitadong suporta sa tahanan, mga pagkaantala sa klase, at epekto ng pandemya.

“This is a cumulative gap that has come to be over a period of time,” dagdag niya.

Ayon sa opisyal, hindi maaaring iisa lamang ang sanhi ng krisis sa literacy kundi isang sistemikong problema sa edukasyon sa bansa.

Bilang tugon, nagpatupad ang DepEd ng summer remediation program para sa senior high school students na nakatakdang matapos ngayong linggo.

Naghahanda rin ang ahensya ng panibagong literacy assessments bago ang pagbubukas ng klase upang matukoy ang mga estudyanteng nangangailangan ng dagdag na suporta at tutoring.

Sinabi rin ng DepEd na isasama sa bagong three-term school calendar ang remediation at enrichment activities upang mas maayos na matugunan ang learning gaps sa buong school year.

Aminado rin ang ahensya na nananatiling hamon ang mabigat na workload ng mga guro sa kabila ng mga repormang ipinatutupad.