-- Advertisements --

Handang bumaba bilang Senate majority floor leader si Senator Juan Miguel Zubiri sa huling bahagi ng 2027 para bigyan din ng pagkakataon ang ibang Senador na mag-assume sa naturang posisyon.

Ayon kay Zubiri, ipinaalam na niya sa ibang miyembro ng majority bloc sa isang pulong na handa siyang bumaba bilang majority leader at hahayaang pumalit sa kaniya ang kaniyang Senior Deputy Majority Leader na si Sen. JV Ejercito.

Aniya, plano nila na sa susunod na taon kasabay ng paglipat sa bagong gusali ng Senado sa Fort Bonifacio sa Taguig, isasagawa ang transition.

Pagkatapos nito, bago ang halalan sa 2028, uupo umano bilang bagong Senate President si Senator Loren Legarda.

Ginawa ni Zubiri ang pahayag sa gitna ng mga ulat na pumayag ang majority bloc na mag-assume si Sen. Legarda bilang Senate President bago matapos ang kaniyang termino sa 2028.

Nilinaw naman ni Zubiri na hindi pa opisyal ang kasunduan, subalit maaari aniyang mangyari ito sa huling bahagi ng termino ni Senate President Vicente Sotto III kung saan ihahalal umano nila ang unang babaeng Senate President sa kasaysayan ng Kongreso.