-- Advertisements --

Iminungkahi ng mga senador ang across-the-board cut o pantay-pantay na pagbabawas ng pondo sa lahat ng infrastructure projects ng Department of Public Works and Highways (DPWH) para sa 2026, matapos mabunyag ang sistematikong overpricing sa ilang proyekto ng ahensya kaugnay ng mga isyu ng korapsyon.

Inihayag nina Senadora Loren Legarda at Bam Aquino ang naturang mungkahi sa pagbusisi sa panukalang pondo ng DPWH para sa 2026. 

Kinwestiyon ni Legarda si Public Works Secretary Vince Dizon kung makatuwiran bang ipatupad ang 25 hanggang 30 percent na bawas sa lahat ng infrastructure line items ng DPWH.

Maaari aniya itong magsilbing temporary corrective measures sa 2026 budget, nang sa gayon ay maging mas “scientific” o batay sa aktwal na datos ang pondong ilalaan para sa 2027.

Samantala, inamin ni Dizon na may ilang proyekto ang DPWH na lumampas ng mahigit 20 percent sa tamang presyo, ngunit imbes na across-the-board cut, mas mainam umano ang targeted adjustment o pagbabago batay sa aktwal na presyo sa bawat rehiyon.

Giit naman ni Senador Bam Aquino, maaaring maging makatwiran ang across-the-board cut kung walang makikitang pagbabago sa DPWH sa pagtugon sa isyu ng overpricing.

Ibinahagi rin ni Aquino na dati na niyang hiniling kay dating DPWH Secretary Manuel Bonoan na muling isumite ang listahan ng mga proyekto at presyo nito upang maitama ang mga overpriced items.

Ngayon, parehong apela ang ginawa niya kay Dizon.