-- Advertisements --

Pinaniniwalaang nananatili pa rin sa Pilipinas ang puganteng si dating Bureau of Corrections (BuCor) Chief Gerald Bantag at posibleng nagtatago sa Cordillera Region.

Ayon kay Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla, base sa kanilang pinakabagong impormasyon itinuturong kinaroroonan ngayon ni Bantag ay sa Cordillera.

Kasalukuyan naman aniyang nakadeploy ang kanilang tracker teams sa rehiyon para hanapin ang dating BuCor official.

Subalit, sinabi ni Remulla na dapat ding maintindihan na mahirap suyurin ang Cordillera Region dahil ito ay mabundok at hindi rin aniya pwedeng lagyan ng drone dahil matatakpan ito ng mga puno.

Kung kayat, nakadepende ang mga awtoridad sa human intelligence sa gitna ng mga kinakaharap na hamon.

Sa kabila nito, nanindigan si Remulla na nananatiling pursigido ang mga awtoridad na matunton si Bantag kasama ang iba pang mga pugante. Gagamitin aniya nila ang lahat ng resources upang mahanap ang mga ito.