Nilinaw ni Police Regional Office Cordillera Administrative Region (PRO CAR) Regional Dir. PBGen. Ericson Dilag na wala silang natanggap na mga direktiba mula kay Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Juanito Victor ‘Jonvic’ Remulla tungkol sa umano’y posibleng pagtatago ni dating Bureau of Corrections (BuCor) Chief Gen. Gerald Bantag sa mga bundok ng Cordillera.
Paliwanag ni Dilag, dahil sa naging mga pahayag at impormasyon na ito ng kalihim ay agad aniyang kinalampag ng kanilang himpilan ang kanilang assets na posibleng may kinalaman o may impromasyon hinggil sa pinagtataguan ni Bantag.
Bagamat negatibo ang naging responde ng kanilang informants ay tiniyak naman ni Dilag na patuloy ang kanilang mga operasyon para masiguro na wala si Bantag sa mga lugar na kanilang nasasakupan.
Posible rin aniya na ang mga impormasyon na ito ay mula sa ibang informants dahil wala rin silang natanggap na impormasyon hinggil dito.
Siniguro naman ni Dilag na mayroon silang sapat na bilang ng informants mula sa mga tribu na namamalagi sa mga bulubundukin ng Cordillera at sa ngayon aniya ay wala namang feedback reports mula sa kanilang panig.
Aniya, kung may ibabahaging impormasyon ang kanilang assets ay agad itong matatanggap ng mga otoridad para maglunsad ng kanilang search operations nang maihain din ang warrant of arrest laban sa dating BuCor Chief.
Matatandaan, nauna nang inihayag ni Sec. Remulla na magkakaroon sila ng accumulation ng Light Detection and Ranging (LIDAR) drones na siyang may kakayahan na ma-penetrate ang kahit anumang puno at bulubundukin para mapadali ang paghahanap sa mga pugante gaya nina Bantag at Charlie Atong Ang.














