Kinontra ng dating mga manlalaro ng Ateneo de Manila University men’s basketball ang salaysay ni dating Coach Tab Baldwin na walang drowning scare na nangyari sa nakalipas na training camp.
Ayon kay Interior Secretary Jonvic Remulla, mayroon na ring kaparehong mga insidente nang muntikang pagkalunod bago pa man ang pagkasawi ng dalawang Ateneo student-athletes na sina Rene Baterbonia at Divine Adili sa Dipaculao, Aurora noong Hunyo 8.
Sinabi ng kalihim na napag-alaman nila ito mula sa mga testimoniya ng mga dating manlalaro ng Ateneo na kabilang sa team-building activity sa Dipaculao noong 2016.
Inalala rin ni Remulla ang naunang pahayag ni Baldwin na itinangging may nangyaring pagkalunod sa mga nakalipas na insidente.
Subalit, kinontra ito ng mga testimoniyang iprinisenta ni Remulla mula sa mga dating players ng Ateneo. Ayon sa isa sa dating player, dalawa sa kanilang teammates na sina Ikeh Chibueze at Gboy Babilonia ang muntikan nang malunod noong 2016 camp dahil sa panic dahil hindi marunong lumangoy ang isa sa kanila.
Nagbigay din ng testimoniya si Babilonia kung saan isinalaysay niyang nakatapak siya sa inilarawan niyang hidden surface bago siya hinila ng agos sa ilalim ng tubig.
Ayon kay Remulla, sinabi ni Babilonia na sumigaw siya para humingi ng saklolo bago siya sinagip ni Baldwin gamit ang isang surfboard. Kayat saad ni Remulla, nagpapakita itong lubos na alam ni Baldwin kung ano ang maaaring mangyari sa Dipaculao, dahil siya mismo ang sumagip sa isa sa kaniyang manlalaro na muntikan nang malunod noong 2016.
Isinalaysay rin ng isa pang dating manlalaro ang sarili niyang karanasan kung saan muntik na siyang malunod at sumuko na, ngunit hinawakan at tinulungan siya ni Coach Yuri Escueta.
Iginiit naman ni Sec. Remulla na ang mga nagdaang insidente ay nagpapakitang maaaring napigilang mangyari ang malagim na trahediya na kumitil sa buhay nina Baterbonia at Adili.
















