Huling natukoy na lokasyon ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa ay sa Mindanao area, ayon kay Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla.
Kasabay nito, mariing itinanggi ng DILG chief ang mga kumakalat na balita na inaresto na si Dela Rosa kaugnay ng arrest warrant mula sa International Criminal Court (ICC).
Ayon pa sa kalihim, binirepika na ng mga awtoridad ang naturang ulat subalit walang nakitang batayan sa mga claim na inaresto ang mambabatas.
Tiniyak naman ni Remulla na susundin ng mga awtoridad ang legal na proseso kabilang ang booking at pagharap sa senador sa lokal na korte bago ito maging subject ng extradition.
Matatandaang nagsimulang magtago ang mambabatas mula nang umalis ito sa premises ng Senado sa Pasay matapos ang shooting incident noong Mayo.
Kasalukuyang may arrest warant si Sen. Bato mula sa ICC bilang isa sa umano’y co-perpetrators ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa kasong crimes against humanity may kinalaman sa umano’y mga pagpatay sa ilalim ng war on drugs ng Duterte administration.
















