Tinutunton at iniimbestigahan na ng Presidential Communications Office (PCO) ang mga online account na nagpakalat ng maling impormasyon na naaresto na si Senador Ronald “bato” dela Rosa at nakatakdang dalhin sa International Criminal Court sa The Hague, Netherlands.
Ayon kay Communications Usec. Claire Castro, ipinag-utos na ni PCO Sec. Dave Gomez sa anti-fake news desk na tingnan ang lahat ng nagpapakalat ng maling impormasyon kasama na ang umano’y pagkaaresto ng senador.
Sinabi rin ng Palasyo na kabilang ang mga fake news sa mga pinatututukan ng gobyerno.
Nauna na ring itinanggi ng Palasyo ang mga haka-hakang naaresto na si dela Rosa, at sinabing ginagamit lamang ito para ilihis ang atensiyon mula sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Inihayag naman ng Palasyo na nagpapatuloy ang pagtunton sa kinaroroonan ng mambabatas at pag-aresto sa kaniya subalit ipinaubaya na sa mga kinauukulang ahensiya ang pagkomento kung bakit nahihirapan ang mga awtoridad na maisilbi ang arrest warrant sa senador.
















