Dinipensahan ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla ang Philippine National Police (PNP) kasunod ng mga kritisismo sa pag-aresto sa mga raliyista noong State of the Nation Address (SONA), Hulyo 27.
Binigyang-diin ng kalihim na “minimum force” lamang ang ginamit ng mga pulis laban sa 51 indibidwal na nahuling nag-ispray ng graffiti sa property ng pamahalaan.
Ayon kay Remulla, binalaan muna ang mga raliyista na tumigil ngunit dahil nagmatigas ang mga ito, kinailangan silang pigilan upang maiwasan ang karagdagang pinsala.
Tiniyak din ng opisyal na walang nasaktan sa insidente at naging pangkalahatang mapayapa ang kilos-protesta.
Samantala, pinabulaanan ng Quezon City Police District (QCPD) ang akusasyon ng grupong Karapatan na sumailalim sa “psychological torture” ang siyam sa mga ikinulong na raliyista.
Ayon kay QCPD spokesperson Maj. Jennifer Gannaban, nasa mabuting kalagayan ang mga nakadetine at agad na nagabayan ng kanilang mga abogado mula pa sa unang araw ng pag-aresto.
Dagdag ni Gannaban, bukas ang kanilang tanggapan sa anumang pormal na reklamo, sabay giit na ginagawa lamang ng kapulisan ang kanilang tungkulin.
















