Inirekomenda na ng National Bureau of Investigation (NBI) sa Department of Justice (DOJ) ang pagsasampa ng mga kasong kriminal laban sa dating Ateneo Men’s Basketball Team head coach Tab Baldwin at 11 iba pa kaugnay ng pagkamatay ng dalawang student-athlete na sina Rene Clert Baterbonia at Divine Adili sa isang team-building activity sa Dipaculao, Aurora.
Nahaharap sina Baldwin at anim na iba pa sa reklamong reckless imprudence resulting in two counts of homicide dahil sa pagkasawi nina Rene Baterbonia at Divine Adili.
Samantala, simple negligence resulting in two counts of homicide naman ang inirekomenda laban kay Ateneo Athletics Director Emmanuel Fernandez at tatlong opisyal ng resort kung saan isinagawa ang team-building activity.
Sa isinagawang imbestigasyon, kumuha ng mga salaysay ang NBI mula sa ilang opisyal ng Ateneo, kabilang si Ateneo President Roberto “Bobby” Yap, SJ, si Baldwin, iba pang coach, kasalukuyan at dating mga manlalaro, coaching staff, utility personnel, at mga namamahala sa resort.
Kaugnay nito, inirefer din ng NBI sa Department of the Interior and Local Government o DILG ang posibleng pagsasampa ng administrative complaint laban sa ilang opisyal ng pamahalaang bayan ng Dipaculao, Aurora, kabilang ang mga opisyal ng Business Permit and Licensing Office, Municipal Tourism and Cultural Development Office, at Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office.















