-- Advertisements --

Mariing nanawagan si Senate Committee on Sports at Committee on Youth Chairman Sen. Bong Go sa lahat ng mga investigating bodies na nakatutok sa kaso ng student-athletes na sina Rene Baterbonia at Divine Adili na ilabas ang buong katotohanan upang matiyak na hindi na maulit ang trahedyang kanilang sinapit.

“Dapat malaman ang buong katotohanan para hindi na ito maulit,” diin ng senador sa pagdinig ng Senate Committee on Basic Education kung saan tinalakay ang mga hakbang ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno at stakeholders upang masiguro ang kaligtasan ng mga atletang mag-aaral.

Kasama si Sen. Bam Aquino, binigyang-diin ni Go ang kahalagahan ng paggawa ng mga batas na magbibigay proteksyon at suporta sa mga student-athletes.

Aniya, mahalagang matutukan ang kapakanan ng mga kabataang nangangarap ng mas magandang kinabukasan sa pamamagitan ng sports.

Dagdag pa ng senador, ang insidente ay nagsisilbing paalala na dapat palakasin ang mga mekanismo ng gobyerno at paaralan sa pagbibigay ng seguridad at tamang gabay sa mga kabataang atleta.

Layunin ng mga panukalang batas na kanilang tinututukan na hindi lamang mapangalagaan ang kaligtasan ng mga estudyante, kundi mabigyan din sila ng patas na oportunidad na maabot ang kanilang mga pangarap.