-- Advertisements --

“Isang pagkakataong minsan lamang dumating.” Ganito inilarawan ng AMANA BARMM, isang Bangsamoro civic group, ang panawagang makipagpulong si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kay MILF Chairman Al Haj Murad Ebrahim bago sumapit ang Oktubre 30, 2026.

Ayon sa grupo, kaya nang tapusin ng Pangulo ang digmaan sa Mindanao, isa sa pinakamatagal na armadong tunggalian sa Asya na mahigit kalahating siglo nang umiiral, at mahigit isandaang libong buhay na ang nasakripisyo sa mahigit 50 taon ayon kay Sultan Alim Saad Amate, convenor ng AMANA.

Wika ng grupo, kapag may kapayapaan sa Mindanao, ang tinaguriang food basket ng bansa, papasok ang mga mamumuhunan, darami ang trabaho, at ang pondong napupunta sa gulo ay mapupunta sa kaunlaran.

Noong Oktubre 1, sumulat si Murad sa Pangulo upang humiling ng pulong.

Anila 14,000 na dating mandirigma ng MILF ang naghihintay pa ring magbaba ng armas, ngunit wala pang naproseso mula Hulyo 2024.

Ang huling hakbang na Exit Agreement, ay maaari lamang pirmahan ng gobyerno at ng MILF.

Ayon kay Amate, ang ama ng Pangulong BBM na si Dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr. ang nagbukas at lumagda sa Tripoli Agreement noong 1976 at ngayon aniya ay maisasara ito ng anak.

Ayon pa sa grupo, ito rin ang pinakamalinaw na katuparan ng pagkakaisang ipinangako ng Pangulo: ang MILF, ang MNLF, mga katutubo at mga Kristiyano sa iisang  pamahalaan, gaya ng “rainbow coalition” na iminumungkahi ng United Bangsamoro Justice Party, na nanalo ng tatlumpung upuan sa halalan.

Ang pagkakaisa, nagsisimula sa pag-uusap giit ni Maulana Mamutuk, co-convenor ng AMANA.

Sa pinakahuling pag-aaral, sa Mindanao lamang ang rehiyong tumaas ang rating ng Pangulo.