-- Advertisements --

Tiniyak ni Executive Secretary Ralph Recto na magpapatuloy ang suporta ng administrasyong Marcos sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) upang mapangalagaan ang mga tagumpay sa usapang pangkapayapaan at matugunan ang matagal nang hinaing na naging ugat ng sigalot sa rehiyon.

Sa kanyang pahayag , nakikiisa si Recto sa mga Bangsamoro at sa buong bansa sa makasaysayang pagbubukas ng unang halal na Bangsamoro Parliament, na aniya’y mahalagang hakbang tungo sa pangmatagalang kapayapaan at tunay na sariling pamamahala.

Umaasa ang kalihim na magsisilbi ang bagong Parliament bilang institusyon para sa kapayapaan, pag-unlad at kasaganaan. Binigyang-diin din niya na hindi naging madali ang proseso ng kapayapaan, dahil dumaan ito sa iba’t ibang negosasyon, mabagal na pag-usad at mahihirap na kompromiso.

Ayon kay Recto, naging posible ang pagkakaroon ng halal na Parliament dahil sa determinasyon ng mga opisyal ng Bangsamoro.

Binigyang-diin din ni Recto na dapat maramdaman ng bawat pamilya sa Bangsamoro ang bunga ng demokrasya sa pamamagitan ng mas maayos na serbisyong publiko, disenteng kabuhayan at mas maraming oportunidad.

Aniya, layunin ng pamahalaan na makabuo ng isang Bangsamoro kung saan nananatili ang kapayapaan, pantay na naibabahagi ang kaunlaran at malayang namumuhay ang bawat mamamayan.