Kinumpirma ng Philippine Statistics Authority (PSA) na maaaring maramdaman ang epekto ng El Niño sa inflation ng bansa sa mga susunod na buwan, na posibleng magpalala pa sa kasalukuyang rate nito na pumalo sa 7.2 % mula sa 6.1 % noong August.
Paliwanag ni Undersecretary Claire Dennis Mapa, malaki ang ambag ng presyo ng gulay at isda sa galaw ng inflation, na siyang pangunahing itinuturong dahilan sa inaasahang patuloy na pagtaas nito.
Ayon kay Mapa, kasalukuyan nang isinapinal ng ahensya ang opisyal na ulat ukol sa kabuuang produksyon sa agrikultura at perwisyo sa pangisdaan para sa ikatlong quarter matapos ang ginawang pagkalap ng datos.
Gayunpaman, binigyang-diin ng opisyal na malinaw ang pababang kalakaran sa produksyon, kung saan ang pagkonti ng huli sa isda at ani sa agrikultura ay direktang nagpapataas sa presyo ng mga bilihin sa mga pampublikong pamilihan.
Ito rin ang isa sa mga pangunahing dahilan kung bakit naitala sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) ang pinakamataas na inflation rate sa buong bansa ngayong Setyembre na pumalo sa 11.3 % mula sa 9.6 % noong August, dulot ng pagtaas ng presyo ng pagkain lalo na sa bigas na umabot sa 25.7 %.
Samantala, ang Mindoro, Marinduque, Romblon, Palawan (MIMAROPA) naman ang nakapagtala ng pinakamababang inflation rate na nasa 5.9%, bagamat nagkaroon pa rin ito ng bahagyang pagtaas mula sa 5.6 % noong nakaraang buwan.
Inaasahan ang pananalasa ng very strong El Niño ngayong taon hanggang sa unang quarter ng susunod na taon.
















