Nagbabala ang Office of the Civil Defense – Negros Island Region (OCD-NIR) sa posibleng pag-agos ng lahar mula sa Bulkang Kanlaon kasunod ng naitalang moderately explosive eruption nito noong Sabado.
Sa isang panayam ng Bombo Radyo Bacolod, kinumpirma ni OCD-NIR Director Donato Sermeno III na malaki ang posibilidad ng lahar flow kapag nagkaroon ng pag-ulan matapos ang pagputok ng bulkan, kaya’t mas pinahigpit pa nila ang pagsasagawa ng monitoring sa lugar.
Gayunman, nilinaw ng opisyal na bagama’t nagkaroon ng mga pag-ulan at paulit-ulit na pagbuga ng abo, wala pang naitalang mud o lahar flow sa Binalbagan River pati na sa Ibid Creek na matatagpuan sa bayan ng La Castellana.
Samantala, nakaranas naman ng light ashfall ang ilang lugar sa lalawigan ng Negros Occidental, kabilang ang bayan ng Don Salvador Benedicto, mga upper barangay ng La Castellana, pati na ang mga lungsod ng La Carlota at Bago City.
Upang matiyak ang kaligtasan ng mga residente, nakatakdang mag-inspeksyon ang OCD-NIR gamit ang aerial drone survey sa mga waterways sa paligid ng bulkan upang suriin kung may mga nakaharang na debris at maiwasan ang pagbuo ng artificial dam na maaaring magdulot ng mapaminsalang flash flood tulad ng nangyari sa Nepal.
















