Nais ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na maiwasan ang abala at kalituhan sa mga motorista sa pagpapatupad ng pinalawak na No-Contact Apprehension Policy (NCAP) sa mga pangunahing lansangan sa Metro Manila.
Ayon kay Palace Press Officer Usec. Claire Castro, nakikipag-ugnayan na ang MMDA sa mga lokal na pamahalaan upang maayos ang pagpapatupad ng mga patakaran sa trapiko sa EDSA, Roxas Boulevard, Commonwealth Avenue at Ortigas Avenue.
Sinabi ni Castro na kailangang ayusin ang anumang teknikal na problema at tiyaking hindi magkakapatong ang mga kamera ng MMDA at mga lokal na pamahalaan.
Muling ipinaalala ng Pangulo na hindi dapat mahirapan ang publiko sa mga problemang maaari namang solusyunan.
Nagpatuloy ang NCAP sa mga piling lungsod sa Metro Manila noong Oktubre 5, matapos alisin ng Korte Suprema ang pansamantalang pagpigil sa pagpapatupad nito.















