-- Advertisements --

Nagningning ang Malacañang nitong Sabado ng gabi matapos pangunahan nina Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. at First Lady Louise Araneta-Marcos ang pagpapailaw sa 54-talampakang Christmas tree sa Kalayaan Grounds na pinalamutian ng 80 parol na gawa ng mga kabataang Pilipino.

Pinuno ng awiting Pamasko ang paligid sa pangunguna nina Martin Nievera, Christian Bautista, Mark Bautista, at Sofronio Vasquez.

Sa kanyang mensahe, ipinagmalaki ni Pangulong Marcos ang natatanging diwa ng Paskong Pilipino, sabay paalala sa mga opisyal ng gobyerno na ipagpatuloy ang serbisyo upang makapagpahinga at makapagdiwang ang publiko.

“I certainly cannot think of a better way to start celebrating Christmas than with the wonderful gift of music that our performers have just given us,” Pahayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Naging agaw-eksena rin sa pagtitipon ang pagbabalik-entablado ni Kris Aquino, kasama ang anak na si Bimby, nang magbiro ito tungkol sa kasaysayan ng kanilang pamilya at ng mga Marcos sa harap mismo nina dating Unang Ginang Imelda Marcos at Batangas Gov. Vilma Santos.

Ani Aquino, kailangan na niyang magpagaling agad upang mabasag ang “tie” sa pagkakaroon ng tig-dalawang pangulo mula sa kanilang mga angkan.

Bukod sa biruan tungkol sa kanyang halos P4-milyong buwis at panawagan para sa mas maayos na mga pampublikong ospital, nagpasalamat si Aquino na muli siyang nakakapaglakad at nakakapagtrabaho matapos ang kanyang matagal na pagkakasakit.

Nagtapos ang gabi sa paggawad ng parangal sa mga nanalo sa National Parol-Making Competition, kung saan nasungkit ng Ramon Torres National High School ng Bago City ang P1-milyong grand prize, sinundan ng Parada National High School ng Bulacan (P500,000), at Pedro V. Panaligan Memorial National High School ng Calapan City (P300,000).