-- Advertisements --

Suportado ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang panawagang ibaba ang edad ng kriminal na pananagutan sa bansa.

Ayon kay DILG Secretary Jonvic Remulla, isang nakikitang depekto sa Juvenile Justice Law, ay ang pagkasangkapan sa mga menor de edad bilang drug courier upang makaiwas sa kaso kapag nahuli.

Bagamat hindi pa matukoy ang partikular na edad, makikipag-ugnayan umano ang kagawaran sa Kongreso upang talakayin ang usapin.

Sa ilalim ng Republic Act No. 9344 o Juvenile Justice and Welfare Act, exempted sa criminal liability ang mga may edad 15 pababa at isinasailalim lamang sa mga intervention program.

Muli ngang uminit ang diskursong ito matapos ang marahas na mass shooting sa paaralan sa Tacloban City na kinasangkutan ng dalawang menor de edad na suspek, kung saan tatlong estudyante ang napatay at 20 iba pa ang nasugatan.