-- Advertisements --

Nagpaalala ang Department of Education (DepEd) na mahigpit na ipinagbabawal ang bomb threats at pagdadala ng mga deadly weapon sa loob ng mga paaralan.

Ayon sa DepEd, kabilang ang mga ito sa pinakamabibigat na paglabag o third-level offenses sa ilalim ng bagong Guidelines Ensuring a Safe and Motivating Learning Environment ng ahensya.

Sinabi ni Education Secretary Sonny Angara na hindi papayagan ng kagawaran ang anumang banta sa kaligtasan ng mga mag-aaral at nananatiling prayoridad ang pagpapanatiling ligtas at mapayapa ang mga paaralan.

Sa ilalim ng mga alituntunin, ang mga mag-aaral na mapatutunayang sangkot sa bomb threats, pagdadala ng baril, pampasabog, ilegal na droga, at iba pang mabibigat na paglabag ay maaaring hindi na payagang makapag-enroll sa susunod na school year o tuluyang maalis sa paaralan.

Awtomatiko rin silang ire-refer sa mga law enforcement at social welfare agencies.