Ito ang pananaw ng ilang mental health professionals sa eksklusibong panayam ng Star FM Cebu, kasunod ng naganap na shooting incident sa isang paaralan sa Zamboanga City nitong Martes ng umaga, Agosto 18.
Ayon kay Gladys Canillo, isang psychologist at registered psychometrician, multifactorial o maraming salik ang maaaring ugat ng violent behavior.
Kabilang dito ang sitwasyon sa pamilya, pakikitungo sa mga kaibigan, paaralan, komunidad at mismong environment na ginagalawan ng isang kabataan.
Aniya, bagama’t mahalagang tingnan ang social media at online games bilang isa sa mga posibleng anggulo, hindi nangangahulugan na awtomatikong magiging marahas ang isang kabataan dahil lamang sa mga ito.
“If we would like to reduce violence we have to see it in different lens. So therefore, naintindihan ko kung isa sa tinitingnang anggulo ay social media o online games, but it does not automatically make someone, a young adult, a person violent just because of one factor,” saad ni Canillo.
Sinang-ayunan naman ito ni Ma. Jessica Quiambao, isang guidance counselor, at nagbabala laban sa simpleng pag-uugnay ng social media o online games sa karahasan.
Mas kailangang tingnan, aniya, ang mas malaking larawan gaya ng bullying, family environment, social isolation, exposure sa karahasan, peer influence, psychological difficulties at iba pang environmental factors na maaaring magpalala sa isang behavior.
“We need to look at the bigger picture – bullying, family environment, social isolation,exposure sa violence na nakikita natin outside. It’s very important na yung prevention, it will not just happen on specific concept. Kailangan we need to look at it on a multiple level,” saad naman ni Quiambao.
Samantala, binigyang-diin din ni Ferina Deramos, isang psychometrician at guidance counselor, ang kahalagahan ng prevention.
Sinabi ni Deramos na hindi lamang umano dapat pagtuunan ng pansin ang mga bagay na maaaring magdulot ng negatibong epekto sa kabataan, kundi pati ang mga positibong sistema, polisiya at environment na maaaring palakasin.
Inihahalimbawa niya ang paggamit sa social media bilang instrumento para sa mabubuting bagay at mga serbisyong makatutulong sa kapakanan ng mga kabataan.
Dagdag niya,”I think on a more preventive aspect, we also have to consider what good things we have to strengthen – like what systems, policies, environment. Yung social media is not all bad. If there are good things we can amplify, sana paigtingan natin ang magagandang contributions ng ating services para sa ating mga bata.”














