-- Advertisements --

Naibalik na sa Pilipinas ang labi ng overseas Filipino worker (OFW) na nasawi sa missile attack sa Tel Aviv, Israel, ayon sa Department of Migrant Workers (DMW).

Sa pahayag ng ahensya, sinabi nitong dumating sa bansa nitong Sabado ang mga labi ni Mary Ann De Vera, isang Filipina caregiver na nasawi sa naturang pag-atake. Kasama sa umuwi ang kanyang asawang si Bernie Lavarias.

Ayon sa DMW, personal ding pinuntahan ni Israeli President Isaac Herzog ang labi ng Filipina na nagpaabot ng pakikiramay sa kanyang pamilya.

Samantala, sinabi ni Dana Kursh, Ambassador ng Israel sa Pilipinas, na nangako ang pamahalaan ng Israel na magbibigay ng lifetime support sa pamilya ni De Vera.

Ipinaliwanag ni Kursh na sa ilalim ng batas ng Israel, ang mga pamilya ng mga taong nasugatan o nasawi sa panahon ng conflict maging Israeli citizen man o dayuhan ay may karapatang tumanggap ng lifetime benefits.

Naglabas din ng pahayag ang Embassy of Israel in the Philippines upang iparating ang kanilang pakikiramay sa pamilya ng biktima.

“In a quiet and solemn moment, the family gathered, holding one another tightly as their beloved kababayan was finally brought home… Mary Ann De Vera, our kababayan who tragically lost her life in Israel, is remembered with profound respect,” ayon sa pahayag ng embahada.

Idinagdag pa nito na nakikiisa ang mga mamamayan ng Israel sa pagdadalamhati ng pamilya ni De Vera.

Maaalalang ang 32-anyos na si De Vera ay nasawi sa isang missile attack sa Tel Aviv noong gabi ng Pebrero 28, matapos ang retaliatory strike ng Iran kasunod ng pag-atake ng Israel at Estados Unidos sa Iran na nagresulta sa pagkamatay ng daan-daang katao.

Sa ilalim ng nasabing batas, makatatanggap ang pamilya ni De Vera ng tulong pinansyal mula sa pamahalaan ng Israel, kabilang ang livelihood support.

Si De Vera ay tubong Basista, Pangasinan, at nagtatrabaho sa Israel bilang caregiver mula pa noong 2019.