-- Advertisements --

Iginiit ng Department of Foreign Affairs (DFA) na hindi lamang nito responsibilidad ang pagtiyak para maibalik sa bansa si dating Ako Bicol Party-list Rep. Zaldy Co, na wanted dahil sa umano’y pagkakasangkot sa flood control scandal.

Ito ay matapos sabihin ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla na ang DFA na ang lead agency sa pag-asikaso sa pagbabalik ni Co, na ilang buwan nang nagtatago sa ibang bansa.

Ayon kay DFA spokesperson Angelica Escalona, ang pag-aresto at repatriation kay Co ay nangangailangan ng koordinasyon ng law enforcement at judicial authorities, kabilang ang International Criminal Police Organization (Interpol).

Aniya, ito ay isang “whole-of-government approach” at hindi lamang nakasalalay sa DFA.

Binigyang-diin din ng kagawaran ang kanilang suporta sa rule of law at kahandaang magbigay ng diplomatic assistance alinsunod sa kanilang mandato.

Nanawagan naman ang ahensya sa publiko na magbigay ng impormasyon hinggil sa posibleng kinaroroonan ni Co.