-- Advertisements --

Nasa Cambodia na ang liaison para sa gobyerno ng Pilipinas para tuntunin ang puganteng gambling tycoon na si Atong Ang, ayon kay Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla.

Aniya, lumiliit na ang mundo ni Ang at kung talagang nasa Cambodia umano ito ay mayroong extradition doon.

Ang hamon aniya ngayon sa pagtugis kay Ang ay ang kaniyang yaman, na magpapahintulot sa kaniyang kumilos sa borders nang hindi nadedetect.

Subalit, tinukoy din ng kalihim ang kaso ng sinibak na si dating Negros Oriental Representative Arnie Teves, na ibinalik sa Timor Leste para harapin ang local case para sa pagpatay kay dating Negros Oriental Governor Roel Degamo.

Gayunpaman, nakikita namang makakatulong ngayong ang Pangulo ng Pilipinas ang tumatayong chairperson ng Association of Southeast Asian Nation (ASEAN), kung saan kabilang ang Cambodia, para mas mapalakas pa ang koordinasyon.

Kasalukuyan ngang wanted si Ang sa mga kasong kidnapping may kaugnayan sa pagkawala ng 34 na sabungero sa pagitan ng taong 2021 at 2022.