Nagdaos ng isang Special Meeting sa pamamagitan ng videoconference ang mga ASEAN Foreign Ministers nitong Marso 13 upang balangkasin ang tugon ng rehiyon sa lumalalang kaguluhan sa Middle East, partikular ang banta nito sa seguridad ng mga mamamayan at sa pandaigdigang ekonomiya.
Sa inilabas na pormal na Chair’s Statement, nagpahayag ng matinding pagkabahala ang kalipunan sa magkakasunod na pag-atake na nagsimula noong Pebrero 28, kung saan kasangkot ang Israel at United States laban sa Iran.
Tinukoy din ang naging pag-atake ng Israel sa Lebanon at ang ganting-salakay ng Iran na nakaapekto sa iba’t ibang bansa sa Gulf region.
Bilang pangunahing hakbang, pinagtibay ng mga ministro ang kanilang shared commitment na protektahan ang kaligtasan ng mga ASEAN nationals na naiipit sa conflict areas.
Tiniyak ng mga miyembrong bansa ang kanilang koordinasyon upang mapabilis ang pagbibigay ng emergency assistance at tulong-konsular sa kanilang mga kababayan.
Umapela ang ASEAN sa lahat ng bansang sangkot na igalang ang international law at umiwas sa mga hakbang na lalong magpapalala sa sitwasyon.
Nanawagan ang grupo para sa immediate cessation of hostilities at hinimok ang lahat ng panig na magpakita ng utmost self-restraint.
Maliban sa kaligtasan ng mga sibilyan, masinsinang tinalakay sa pulong ang direktang epekto ng giyera sa global economic activity, lalo na sa pabago-bagong energy markets at pagka-antala ng maritime and air transport routes.
Nangangamba ang grupo sa posibleng pagtaas ng cost of living at pagkaantala ng supply chains ng pagkain at langis sa Southeast Asia.
Upang salagin ang mga external economic shocks, gagamitin ng ASEAN ang mga nakalatag nitong mekanismo tulad ng ASEAN Framework Agreement on Petroleum Security (APSA) at Trans-ASEAN Gas Pipeline (TAGP).
Layunin nito na palakasin ang regional energy security at economic resilience habang patuloy na inoobserbahan ng mga Foreign Ministers ang sitwasyon sa Gitnang Silangan.
















