-- Advertisements --

Payapang nagtapos nitong Setyembre 30 ang tatlong araw na transport strike ng mga grupong MANIBELA at PISTON sa Quezon City, na opisyal na nagsimula noong Setyembre 28.

Isinagawa ng mga grupo ang aktibidad sa kabila ng kamakailang naaprubahang fare hike ng DOTr upang ipanawagan ang karagdagan pang taas-pasahe bunsod ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis na idinulot ng tumitinding tensyon sa Middle East.

Ayon sa Quezon City Police District (QCPD), walang naitalang anumang malaking insidente o kaguluhan sa buong tatlong araw ng tigil-pasada.

Tiniyak ng awtoridad ang mahigpit na pagsunod sa prinsipyo ng maximum tolerance bilang pagkilala at paggalang sa karapatan ng publiko na malayang magpahayag ng saloobin.

Bukod sa pagtitiyak ng seguridad sa aktibidad, nag-deploy din ng mga tauhan ang QCPD sa mga pangunahing kalsada at mga sakayan para sa traffic management, bukod pa sa pagkakaloob ng Libreng Sakay sa mga naapektuhang pasahero.

Kaugnay nito, pinuri ni QCPD Acting District Director PBGen. Christopher Olazo ang ipinakitang professionalism at maayos na pagpatupad ng mga pulis sa kanilang tungkulin.