-- Advertisements --

Nagpahayag ng kumpiyansa si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na makatutulong ang Mactan Expo sa pagpapalakas ng turismo at pagho-host ng malalaking international events sa bansa.

Ginawa nito ang pahayag kasabay ng unveiling ng marker para sa opisyal na inagurasyon ng pasilidad na ginanap nitong Lunes, Marso 16, sa lungsod ng Lapu-Lapu.

Sa kanyang talumpati, sinabi ni Marcos na may mahusay na lokasyon ang venue dahil malapit ito sa paliparan at may modernong pasilidad na angkop sa mga pandaigdigang pagpupulong.

Aniya, makatutulong din ito sa pagpapakita ng kakayahan ng Pilipinas na mag-host ng malalaking pagtitipon.

Nakatakda rin itong maging venue ng ilang aktibidad ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Summit sa darating na Mayo, na pangungunahan ng Pilipinas.

Sinabi pa ng Pangulo na bukod sa ASEAN meetings, magsisilbi rin ang Mactan Expo bilang pangmatagalang venue para sa mga international conference at exhibitions na inaasahang magbibigay ng dagdag na sigla sa turismo ng bansa.

Sa kabila ng matinding kompetisyon sa turismo sa rehiyon, sinabi ng Pangulo na nananatiling bentahe ng Pilipinas ang mainit na pagtanggap ng mga Pilipino, o ang tinatawag na “Filipino smile.”