-- Advertisements --

Inihain ni Rolando Valeriano, kinatawan ng Maynila, ang isang panukalang batas na naglalayong magpatupad ng 50 porsiyentong bawas sa toll fee sa lahat ng expressway sa bansa. Layunin ng panukala na makatulong sa mga motorista, commuter, at negosyo na patuloy na naaapektuhan ng pabago-bagong presyo ng langis sa pandaigdigang merkado.

Ayon kay Valeriano, ang mataas na gastos sa toll at gasolina ay direktang nagpapataas ng transportation at logistics cost, na kalaunan ay ipinapasa rin sa presyo ng mga bilihin at serbisyo. 

Naniniwala si Valeriano, makakatulong ang pagbawas sa toll fee upang mapagaan ang gastusin ng publiko at ng mga negosyo na gumagamit ng expressways sa paghahatid ng mga produkto.

Ipinunto rin ni Valeriano na mahalagang mabigyan ng pansamantalang ginhawa ang mga motorista lalo na sa panahon na patuloy ang pagtaas ng presyo ng petrolyo sa pandaigdigang merkado. 

Sa kasalukuyan, ang mga toll rate sa mga expressway sa Pilipinas ay nag-iiba depende sa uri ng sasakyan at layo ng biyahe, at maaaring umabot mula humigit-kumulang P5 hanggang higit P800 kada biyahe para sa Class 1 vehicles tulad ng kotse at SUV.  

Inaasahan na dadaan pa sa deliberasyon ng Kongreso ang naturang panukala bago ito maging ganap na batas.