-- Advertisements --

Ipinagmalaking iniulat ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na “very productive” ang kanyang working visit sa New York, Estados Unidos matapos isulong ang kandidatura ng Pilipinas sa UN Security Council, itaguyod ang karapatan ng kababaihan, at hikayatin ang mga Amerikanong mamumuhunan na magnegosyo sa bansa.

Sa kanyang pagdalo sa ika-70 sesyon ng Commission on the Status of Women, binigyang-diin ng Pangulo na nasusukat ang tunay na pag-unlad ng bansa sa kalagayan at kapangyarihan ng kababaihan.

 Tinalakay rin niya ang kahalagahan ng edukasyon, pagkakaisa laban sa karahasan sa kababaihan, at ang partisipasyon nila sa paggawa ng desisyon.

Nakipagpulong din si Marcos kay UN Secretary-General António Guterres kung saan iginiit niya ang patuloy na suporta ng Pilipinas sa United Nations at multilateralism. 

Sa harap ng mga miyembro ng UN General Assembly, binigyang-diin niya ang kahalagahan ng rule of law at mapayapang pagresolba ng mga alitan.

Muling inihayag ng Pangulo ang hangarin ng Pilipinas na maging non-permanent member ng UN Security Council para sa termino ng 2027–2028 upang mabigyang boses ang Indo-Pacific, mga developing at climate-vulnerable countries.

Samantala, nakipagkita rin si Marcos sa ilang business leaders, kabilang ang U.S. Medical Glove na nagpaplanong magtayo ng manufacturing facility sa bansa na maaaring lumikha ng higit 2,000 trabaho. Nakipagpulong din siya sa mga opisyal ng J.P. Morgan upang talakayin ang kooperasyong pang-ekonomiya at mga isyung pandaigdig na nakaaapekto sa financial markets.