-- Advertisements --

Posibleng magdedesisyon na sa susunod na lingo ang House Prosecution panel kung itutuloy pang ipresenta ang bribery allegation sa impeachment trial laban kay VP Sara Duterte.

Ang naturang alegasyon ay sumasaklaw sa umano’y pagbibigay ni VP Sara ng mga ‘suhol’ sa ilang mga opisyal ng Department of Education (DepEd) noong siya pa ang kalihim ng naturang ahensiya.

Ayon kay counsel for the prosecution, Atty. Lorna Kapunan, pag-uusapan pa ng panel ang pinal na desisyon ukol sa presentasyon sa bribery issue at inaaral kung ano ang magiging epekto at implikasyon nito, sakaling hindi na itutuloy ang pagpresenta nito.

Sa ngayon, patapos na aniya ang House panel sa presentasyon nito ng mga witness at susundan na ito ng formal ‘offer of evidence’.

Posibleng mangyayari ito aniya sa susunod na lingo o sa huling bahagi ng Oktobre.

Kampante naman ang abogado na lahat ng tatlong article na kanilang naipresenta at kasalukuyang ipriniprisenta ay pawang mabibigat nang kaso at sapat para patunayan ang mga nagawang impeachable offense ni VP Sara.

Binigyang-diin ng abogado na anuman ang magiging desisyon sa bribery allegation, sapat na ang kanilang hawak na ebidensiya at target na testigo para sa naturang article.