Pormal nang inalis ng House prosecution panel ang bribery charge laban kay Vice President Sara Duterte upang mapabilis ang impeachment trial.
Ito ang kinumpirma ni House prosecutor at Manila Rep. Joel Chua.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Chua, kaniyang sinabi na kanila na itong napagdesisyunan nuong nakaraang linggo matapos tinanggal din bilang testigo si dating Senator Antonio Trillanes.
Sinabi ni Chua na naniniwala ang prosekusyon na sapat na ang ebidensyang naiharap sa iba pang tatlong impeachment charges kaya hindi na kailangang isulong ang Article III o bribery case.
Ayon sa kanya, layunin ng hakbang na maiwasang umabot sa susunod na taon ang paglilitis.
Inaasahang itutuloy ng prosekusyon ang presentasyon ng mga testigo at dokumento kaugnay ng Article II, kabilang ang mga usapin sa umano’y unexplained wealth ni Duterte.
Itinanggi ni Chua na indikasyon ng kakulangan sa ebidensya ang pag-atras sa bribery charge, at sinabi niyang mas nais ng prosekusyon na matapos ang paglilitis sa loob ng taon.
Ayon kay Chua, nakatakdang magbigay ng opisyal na pahayag bukas si Lead Prosecutor Rep. Gerville Luistro kaugnay sa pag drop nila sa bribery case.
















