-- Advertisements --

Tinawag ng kampo ni Vice President Sara Duterte na paulit-ulit at walang bagong laman umano ang mga alegasyong ibinabato ni dating Senador Antonio Trillanes IV laban sa pamilya Duterte.

Ayon kay OVP spokesperson Atty Paolo Panelo, kabilang sa mga umano’y alegasyon ni Trillanes ang kaugnayan sa ilegal na droga, hindi maipaliwanag na yaman at ugnayan sa China.

Iginiit ni Panelo na ilang beses na umanong nabigo ang mga naturang pahayag na mapatunayan.

Sinabi rin ni Panelo na nais sanang kasuhan ni VP Sara si Trillanes, ngunit aniya, may mga taong naglalabas ng alegasyon laban sa bise presidente at sa kanyang pamilya na patuloy umanong sinusuportahan ng administrasyon.

Kabilang dito sina Ramil Madriaga at Rodulfo Gracioso Jr., na kapwa itinanggi ni Duterte na may kaugnayan sa kanya.

Samantala, muling iginiit ni Trillanes sa kanyang press conference ang mga alegasyon tungkol sa umano’y pagtanggap nina VP Sara at ng kanyang asawang si Mans Carpio ng milyun-milyong remittance mula sa China.

Nagbato rin siya ng alegasyon tungkol sa umano’y payoff sa pamilya duterte mula sa negosyanteng si Sammy Uy.

Hindi na itinuloy ng prosecution ang pagharap ni Trillanes bilang testigo sa impeachment trial ni VP Sara.

Ayon kay Panelo, patunay umano ito na hindi kayang harapin sa legal na proseso ang mga alegasyon ng dating senador, habang sinabi naman ng kampo ni V[ Sara na haharapin nito ang mga usapin sa impeachment court at hahayaang magsalita ang ebidensya.

Wala pang tugon si Trillanes sa mga pahayag ni Panelo.