-- Advertisements --

Hinimok ni Senator Christopher “Bong” Go ang Department of Labor and Employment (DOLE) na mahigpit na bantayan ang pagpapatupad ng bagong P60 dagdag-sahod para sa mga minimum wage earner sa Metro Manila upang matiyak na agad itong matatanggap ng mga manggagawa.

Sa pagdinig ng Senado sa panukalang 2027 budget ng DOLE noong Setyembre 30, sinabi ni Go na mahalagang malinaw sa mga employer at empleyado ang mga patakaran sa ilalim ng Wage Order No. NCR-28 at tiyaking nasusunod ang itinakdang bagong minimum wage.

Naging epektibo ang wage order noong Setyembre 26, na nagkakaloob ng ₱60 dagdag sa arawang sahod ng tinatayang 1.1 milyong minimum wage earners sa National Capital Region.

Dahil dito, umakyat sa ₱755 mula ₱695 ang minimum daily wage ng mga non-agricultural worker sa NCR. Para naman sa agricultural workers at ilang maliliit na establisimyento, tumaas ang minimum wage sa ₱718 mula ₱658.

Umaasa rin si Senator Go na hindi na mauulit ang mga naging dahilan ng pagkaantala sa pagpapatupad ng wage increase upang hindi na maantala ang benepisyong dapat matanggap ng mga manggagawa.

Binigyang-diin ni Go na mahalaga maging ang maliit na dagdag sa sahod para sa mga manggagawang umaasa sa kanilang arawang kita para sa pagkain at iba pang pangunahing pangangailangan.

Kasabay nito, patuloy ding itinutulak ni Go ang Senate Bill No. 175 o ₱100 Daily Minimum Wage Increase Act of 2025, na naglalayong magkaloob ng ₱100 across-the-board wage increase sa mga manggagawa sa pribadong sektor. Nananatiling nakabinbin ang panukala sa kaukulang komite ng Senado.

Hinimok din ng senador ang mga negosyong may kakayahang magbigay ng mas mataas na sahod na ibahagi sa kanilang mga manggagawa ang bahagi ng kanilang kinikita.

Giit ni Go, kailangang magpatuloy ang DOLE at mga wage board 

sa pagmamanman sa kalagayan ng sahod upang matiyak na ang mga wage adjustment ay aktuwal na nakatutulong sa mga manggagawa sa harap ng patuloy na pagtaas ng gastusin.