-- Advertisements --

Dahil pinapayagan ang Anti-Money Laundering Council (AMLC) na magbahagi ng impormasyon sa mga foreign financial intelligence unit, mas maaari umano itong magbigay ng records sa Senate impeachment court, ayon kay prosecution legal spokesperson at counsel Benjamin “Jay” Tolosa Jr.

Sinabi ni Tolosa, na pinahihintulutan ng AMLC rules ang information exchange sa mga foreign counterpart at iba pang awtoridad sa ilalim ng ilang kundisyon.

Aniya, kung maaari itong gawin kahit sa mga dayuhang institusyon, lalo nang maaaring ibahagi ang mga dokumento sa impeachment court, na isang constitutional institution.

Giit ni Tolosa, walang absolute prohibition sa mga umiiral na batas na maaaring pumigil sa impeachment court na mag-isyu ng subpoena para iprisinta ang AMLC records.

Noong Hulyo, pinayagan ng Senate impeachment court ang subpoena sa AMLC at bank records nina Vice President Sara Duterte at kanyang asawang si Manases Carpio matapos nitong makita na prima facie relevant at material ang mga dokumento sa mga alegasyon sa Article II.

Ayon din sa korte, ang Section 8-A ng Anti-Money Laundering Act ay nagbabawal sa unauthorized disclosure ng AMLC personnel ngunit hindi nito inaalis ang subpoena power ng Senado bilang impeachment court.

Gayunman, sinabi ni Tolosa na maaari pa ring tutulan ng depensa ang records kapag tumestigo si AMLC Executive Director Ronel Buenaventura at kapag pormal nang inihain ng prosekusyon ang mga dokumento bilang ebidensya.

Inaasahang haharap si Buenaventura sa witness stand sa Lunes matapos bigyan ng impeachment court ang depensa ng dagdag na panahon upang suriin ang AMLC records at maghanda para sa pagtatanong.