Pinabulaanan ng Bureau of Corrections (BuCor) ang alegasyon ng isang grupo na mayroong scabies outbreak sa New Bilibid Prison (NBP) at iginiit na sinusunod lamang nila ang mahigpit na health protocols para sa kaligtasan ng mga Persons Deprived of Liberty (PDLs).
Ayon kay CT/Supt. Ma. Cecilia V. Villanueva, acting director for health and welfare services ng BuCor, walang naitalang pagkalat ng naturang sakit sa NBP o sa anim pang pasilidad ng kawanihan sa bansa.
Huling nagkaroon ng outbreak dalawang taon na ang nakalilipas na agad natugunan sa pamamagitan ng programang alis galis kasama ang International Committee of the Red Cross.
Ginawa ng BuCor ang paglilinaw kasunod ng pagkabahala ng grupong Kapatid, na binubuo ng mga kaanak ng political prisoners, kaugnay sa umano’y pagkalat ng scabies dahil sa overcrowding at kakulangan ng tubig. Inireklamo rin ng grupo ang pahirapang pagpapasok ng gamot para sa mga bilanggo.
Bilang tugon, ipinaliwanag ni Villanueva na kailangang sundin ang proseso upang maiwasan ang pagpasok ng contraband.
Aniya, ang lahat ng gamot ay dapat idaan sa Directorate for Health Services, may kalakip na reseta ng doktor, at may itemized list mula sa kaanak bago suriin at ibigay sa mga PDLs.
Tiniyak ng BuCor na sapat ang kanilang kapasidad na tumugon sa anumang isyung pangkalusugan sa loob ng kanilang mga correctional facilities.
















