-- Advertisements --

Ang pagpapatayo ng P470-milyong correctional facility sa Palayan City, Nueva Ecija ay hindi lamang magbibigay ng espasyo para sa libu-libong persons deprived of liberty (PDLs), kundi inaasahan din magbubukas ng maraming oportunidad sa trabaho at negosyo sa lalawigan.

Pinangunahan nitong Lunes ng Bureau of Corrections (BuCor) ang groundbreaking ceremony para sa nasabing mega-proyekto na itatayo sa Barangay Pinaltakan.

Ayon sa kawanihan, ang itatayong pasilidad ay may kakayahang tumanggap ng aabot sa 7,500 na mga bilanggo.

Tiniyak ni BuCor Director General Gregorio Catapang Jr. kay Governor Aurelio Umali at sa mga residente ng lungsod ang pang-ekonomiyang benepisyo ng proyekto.

Ayon kay Catapang, lilikha ito ng mga permanenteng trabaho kapag ganap nang operasyonal.

Bukod dito, ang mga lokal na negosyo at mga suppliers ay makikinabang din sa inaasahang pagtaas ng demand para sa pagkain, materyales, at iba pang serbisyo.

Nilinaw ng kawanihan na ang complex ay magiging kumpleto sa pasilidad.

Kabilang dito ang mga maximum-, medium-, and minimum-security camps, isang Reception and Diagnostic Center, at Drug Treatment and Rehabilitation Center.

Ang malawak na 60-ektaryang lupain na pagtatayuan ng bagong kulungan ay ipinagkaloob sa pamamagitan ng donasyon mula sa Provincial Government ng Nueva Ecija.

Ayon sa BuCor, ang target na petsa para sa tuluyang pagkumpleto ng proyekto ay sa pagtatapos ng taong 2027.