Inanunsyo ng Bureau of Corrections (BuCor) nitong Biyernes ang pag-relieve sa puwesto ng dalawang (2) superintendent at ang muling pagtatalaga sa ilang pangunahing opisyal bilang bahagi ng hakbang para palakasin ang pananagutan sa ahensya.
Sa inilabas na pahayag, sinabi ng BuCor na inalis sa kanilang puwesto si Leyte Regional Prison Superintendent Ricardo Sespene Jr. at si Marjorie Ann Sanidad, hepe ng Correctional Institution for Women (CIW), habang isinasagawa ang imbestigasyon kaugnay ng kanilang umano’y asal at pamamahala.
Itinalaga si Sespene sa BuCor Land Control and Management Center – Anti-Squatting Unit, samantalang ililipat naman si Sanidad sa New Bilibid Prison Hospital.
Ayon kay BuCor Director General Gregorio Catapang Jr., layunin ng pagbabago sa pamunuan na matiyak na patuloy na maisusulong ng mga pasilidad ang kanilang “twin mandate” na safekeeping at reformation, kasabay ng pagpapanatili ng tiwala at kumpiyansa ng publiko.
Dagdag pa niya, bahagi ito ng pagsisikap ng BuCor na higit pang mapahusay ang pamamahala sa mga piitan at agarang matugunan ang mga paparating na hamon sa sistema ng Corrections.
















