-- Advertisements --

Binigyang-diin ni Atty. Levito Baligod na ang pahayag ng Ombudsman na nagsasabing limitado lamang sa identity verification ang awtoridad ng National Bureau of Investigation (NBI) ay hindi ganap na sumasalamin sa naging proseso ng imbestigasyon.

Aniya, bagama’t iyon ang orihinal na saklaw, pumayag ang kanyang mga kliyente na lumampas pa rito, dahilan upang umabot sa halos tatlong oras ang question-and-answer session na tumalakay sa nilalaman ng kanilang joint affidavit.

Dagdag pa ni Baligod, sinabi ng Ombudsman na ang “joint narration of facts loses credibility,” ngunit binigyang-diin niyang hindi ito suportado ng umiiral na jurisprudence sa Pilipinas.

Sa halip, ayon sa mga umiiral na desisyon ng Korte Suprema, ang magkakatulad o consistent na salaysay ay hindi awtomatikong kahina-hinala.

Nawawalan lamang ito ng kredibilidad kung taliwas sa karaniwang karanasan, likas na ugali ng tao, o pisikal na batas.

Sa kasalukuyan, patuloy ang imbestigasyon ng NBI sa kabuuang testimonya ng 18 dating umano’y bodyguards ni dating Ako Bicol Rep. Zaldy Co, kasabay ng mga alegasyon ng katiwalian at anomalya sa paggamit ng pondo.

Ang pahayag ni Baligod ay naglalayong ipakita na ang kanilang salaysay ay may bigat at hindi basta-basta maaaring ituring na walang kredibilidad, lalo na’t ito ay magkakatugma at sumusuporta sa isa’t isa.