-- Advertisements --

Iginiit ni Department of Agriculture (DA) Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. na hindi kailangang mag-panic buying ang publiko sa gitna ng banta ng matinding El Niño na kasalukuyang kinakaharap ng bansa, na inaasahang magpapatuloy hanggang sa unang quarter ng susunod na taon.

Ayon sa kalihim, pinapanatili ng ahensya ang sapat at tiyak na supply ng pagkain sa bansa para sa mga susunod na buwan.

Sa supply ng bigas, binigyang-diin ni Laurel na pinananatili ng ahensya ang reserbang sapat para sa 75 araw. Aniya, kahit sumapit ang pinakamalalang sitwasyon, maaari lamang itong bumaba sa 60 araw na nananatili pa ring matatag na antas ng supply.

Samantala, nananatili namang sapat ang supply sa sektor ng karne kung saan mayroong 125-araw na reserba para sa manok, habang umaabot naman sa 170 araw ang natitirang supply para sa baboy.

Tiniyak nito na hindi agad mababawasan ang mga imbak na ito dahil patuloy ang ikot ng lokal na produksyon at ani sa mga sakahan, na sinusuportahan pa ng pagdating ng mga imported na produktong agrikultural.

Upang mapangalagaan ang sektor ng agrikultura, magpapatuloy ang pamahalaan sa pagsasagawa ng cloud seeding operations upang makapagbigay ng patubig sa mga pataniman at mga pangunahing imbakan ng tubig sa bansa.

Bukod sa cloud seeding, magpapatupad din ang ahensya ng mga direktang interbensyon sa mga sakahang may maayos pang patubig, tulad ng pagpaparami ng mga binhi bawat ektarya at pagbibigay ng dagdag na pataba upang mas mapataas ang ani na magpapalakas sa pangkalahatang supply ng bansa.

Binigyang-diin ng kalihim na hindi naman lahat ng rehiyon sa bansa ay makakaranas ng matinding tagtuyot. Aniya, may ilang mga lugar pa rin ang magkakaroon ng sapat hanggang sa sobrang supply ng tubig sa kabila ng pananalasa ng El Niño sa ibang panig ng Pilipinas.