Nagpatupad ang Presidential Communications Office (PCO) ng pansamantalang hybrid work arrangement kung saan apat na araw sa isang linggo ay onsite sa opisina at isang araw ay work-from-home (WFH).
Ito ay alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. upang magpatupad ng mga hakbang sa pagtitipid ng enerhiya dahil sa kasalukuyang krisis sa Gitnang Silangan.
Ayon sa memorandum na nilagdaan ni Acting Secretary Dave M. Gomez noong Marso 8, obligadong mag-report onsite ang lahat ng kawani mula Lunes hanggang Huwebes, habang ang Biyernes ang nakatakdang WFH, maliban sa mga output-based na Contract of Service (COS) personnel.
Ang hakbang na ito ay sumusunod sa Memorandum Circular No. 114, na nag-uutos sa lahat ng ahensya ng gobyerno na magpatupad ng mga hakbang para sa energy conservation at efficiency, upang mabawasan ang konsumo ng kuryente at gasolina.
Pinapayagan ang mga kawani na mag-adjust ng kanilang oras ng trabaho mula 7:00 a.m. hanggang 6:30 p.m., basta’t makumpleto ang 40 oras na trabaho kada linggo. Kinakailangan din ng mga cluster heads at supervisor na magsumite ng buwanang work program upang gabayan ang gawain ng mga kawani sa WFH na araw.
Ang attendance at productivity ay mamomonitor gamit ang digital attendance system na pinangangasiwaan ng Information and Communications Technology Division.
Kasama rin sa memorandum ang mga hakbang sa pagtitipid ng enerhiya sa New Executive Building, tulad ng tamang paggamit ng ilaw at air-conditioning, pagtatalaga ng thermostat sa 24°C, at pagsisiguro na ang mga office equipment ay naka-set sa energy-saving mode kapag hindi ginagamit.
Ayon sa PCO, ang hybrid work arrangement na ito ay pansamantala at mananatili hangga’t umiiral ang direktiba ng Pangulo sa pagtitipid ng enerhiya.










