-- Advertisements --

Inakusahan ng France ang Islamic Revolutionary Guard Corps (IRGC) ng Iran bilang siyang nasa likod ng serye ng cyber-attack na nagpataas sa temperatura ng mga refrigerator at freezer sa mga supermarket sa buong bansa noong nakalipas na buwan.

Ayon kay French Foreign Minister Jean-Noël Barrot, ang naturang pag-atake ay itinuturing na “unprecedented in both its scale and its level of aggression,” kasabay ng babalang papatawan ng sanksyon ang mga may pananagutan sa insidente.

Binigyang-diin pa ng ministro na ito ang kauna-unahang malawakang cyber-attack na nakatutok sa pag-sabotahe sa kanilang pambansang teritoryo, dahilan upang ipatawag ng pamahalaan ng Pransya ang embahador ng Iran sa Paris upang ipaabot ang kaniyang matinding protesta laban sa napakaseryosong aksyong ito.

Nabatid na noong Oktubre 11, nakuha ng mga hacker ang kontrol sa software na nagreregulasa ng temperatura ng mga cooling unit sa mahigit 100 Coopérative U supermarkets at 180 puwesto ng Intermarché at Netto, kung saan umabot sa 50°C ang init ng ilang freezer overnight na nagdulot ng pagkasira ng napakaraming toneladang frozen food.

Samantala, nagbukas na ng imbestigasyon ang prosecutor ng Paris laban sa pinuno ng offensive cyber unit ng IRGC na kilala bilang Shahid Kaveh at dalawa nitong kinatawan, habang tinanggihan naman ng ilang Iranian media outlets ang mga alegasyon at tinawag itong walang basehan.