-- Advertisements --

Arestado ang isang 34-anyos na construction worker matapos umanong magnakaw ng underground telecommunications cables na nagkakahalaga ng P230,155.98 sa Barangay Little Baguio, San Juan City noong Nobyembre 9, 2026.

Ayon sa Philippine National Police (PNP), namataan sa CCTV ng barangay ang suspek na pumasok sa isang manhole sa kahabaan ng Jose Abad Santos Street. Agad itong ini-report ng mga barangay personnel sa pulisya na nagresulta sa mabilis na pagresponde at pagkakaaresto sa suspek habang hinihiwa umano ang mga kable.

Narekober mula sa suspek ang dalawang piraso ng copper cable, isang lagari, safety helmet at sako.

Nahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Republic Act No. 10515 o Anti-Cable Television and Cable Internet Tapping Act of 2013, at Article 308 ng Revised Penal Code o Theft.