-- Advertisements --

KALIBO, Aklan — Balik na sa normal ang supply ng kuryente sa ilang bahagi ng Aklan lalo na sa Isla ng Boracay.

Ayon kay Reagan Alcantara ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) na naibalik ng mas maaga ang operasyon ng Unidos-Caticlan 69kV Line noong Pebrero 13, kung saan, nakumpleto ang restoration works bago ang target date nitong Marso 2026 .

Ito ay kasunod ng kahilingan ng lokal na pamahalaan ng Malay na magkaroon ng matatag na supply ng kuryente para sa nakatakdang ASEAN Summit activities ngayong Marso sa Isla ng Boracay gayundin ang summer peak season sa isla.

Aniya, nag-deploy ang NGCP ng 24 na line gangs mula sa iba’t ibang bahagi ng Visayas at South Luzon upang mapabilis ang proyekto.

Bagama’t ganap nang naibalik ang 69kV line, patuloy na isinusulong ng NGCP ang pangmatagalang solusyon para sa lugar, ang Nabas-Caticlan-Boracay 138kV Interconnection Project, na target makumpleto sa Agosto 2026.

Sa oras na matapos, magbibigay umano ang proyekto ng maayos at maaasahang suplay ng kuryente sa Aklan at mga karatig na komunidad.